MENU

 

 

Pinaaalalahanan ang publiko na mag-ingat, mag-antabay sa ulat panahon, at sumunod sa mga payo ng mga awtoridad ngayong posibleng magsanib sa loob ng 36 oras ang Tropical Storm “Maring” at Tropical Depression “Nando” ayon sa ulat ng Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Services Administration (PAGASA) sa Pre-Disaster Assessment meeting ng National Disaster Risk Reduction and Management Council ngayong umaga, Sabado.

Bandang alas otso ngayong umaga namataan ang bagyong “Maring” sa layong 860 kilometro sa silangan ng Juban, Sorsogon na may lakas na hanging aabot sa 85 kilometro kada oras at bugsong aabot sa 105 kilometro kada oras. Kumikilos ito sa bilis na 15km kada oras. Namataan naman ang bagyong “Nando” sa layong 670km sa Casiguran, Aurora na nagtataglay ng lakas ng hanging aabot sa 45 kilometro kada oras at bugso ng hanging aabot sa 55 kilometro kada oras. Kumikilos ang bagyo sa bilis na 45km kada oras.

Ayon sa PAGASA, asahan ang katamtaman hanggang malakas na pag-ulan sa Eastern Visayas at Dinagat Islands habang mahina hanggang katamtaman at kung minsan ay malakas na pag-ulan naman sa Bicol Region at nalalabing bahagi ng Visayas at Caraga sa susunod na 24 oras.

Makararanas din ng mahina hanggang katamtaman at kung minsan ay malakas na pag-ulan sa Palawan at Occidental Mindoro dulot ng southwesterlies na pinalakas ng “Maring.”

Pinaalalahan ang mga apektadong lugar na maghanda sa mga posibleng pagbaha at pagguho ng lupa lalo sa lugar na tinukoy na “highly susceptible.”

Samantala, sa susunod na 24 oras ay posibleng itaas ang Tropical Cyclone Wind Signal (TCWS) #1 sa ilang lugar sa Northern Luzon. TCWS #2 ang pinakamataas na wind signal na inaasahan. Inaabisuhan din ang mga maliliit na sasakyang pandagat na huwag munang maglayag dahil sa panganib ng bagyo. Nakataas naman ang gale warning sa eastern seaboards ng Southern Luzon, Visayas at Mindanao.

Sa ginanap na pagpupulong, binigyang diin ni Department of Science and Technology Undersecretary Renato U. Solidum Jr. ang kahalagahan ng tamang koordinasyon at papel ng bawat isa sa paghahanda at pagtugon sa mga apektadong komunidad.