MENU

 PR 3QRT NSED

(13 May 2021)

           Muling binigyang diin ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ang pagsasagawa ng mga karampatang kahandaan ng mga Regional DRRM Councils, mga lokal na pamahalaan at mga pamayanan sa Mindanao para sa inaasahang pananalasa ng Bagyong β€œCRISING”.

           Sa isinagawang Pre-Disaster Risk Assessment (PDRA) meeting ngayong hapon kasama ang iba’t ibang mga ahensya ng pamahalaan sa pangunguna ng Office of Civil Defense pinag-usapan ang mga panganib na dala ng bagyong β€œCRISING” sa mga lugar sa Mindanao at ang mga isinasagawang paghahanda ng mga pamahalaang lokal mga lokal na DRRM councils.

           Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), ngayong 1:00 ng hapon, huling namataan ang mata ng bagyong Crising sa layong 250 kilometro ng silangang bahagi ng Davao City at taglay nito ang lakas ng hangin na 64 kilometro bawat oras at pagbugso na umaabot ng 80 kilometro bawat oras. Kumikilos ang bagyo sa direksyon na west northwest sa bilis na 25 kilometro bawat oras.

           Tinukoy naman ng Department of Environment and Natural Resources - Mines and Geo-sciences Bureau (DENR-MGB) ang 2,591 barangay na maaaring makaranas ng pagguho ng lupa at baha sa mga rehiyon ng Zamboanga Peninsula, Northern Mindanao, Davao Region, SOCCSKSARGEN at Bangsamoro Autonomous Region of Muslim Mindanao (BARMM). Inirekomenda ng DENR-MGB na maging listo ang mga lokal na pamahalaan at mga residente at mahigpit na bantayan ang mga lugar na nagpapakita ng senyales ng pagguho ng lupa at iwasan na ang mgalugar na madalas na binabaha.